Saturday, February 11, 2012

Divider, animated

ONLINE GAMES AT VIDEO GAMES: NAKAKALULONG O
                                                               NAKAKATULONG?

            Kung dati ay nakikita ang mga kabataan na naglalaro sa mga lugar tulad ng parke at basketball court sa panahon ngayon, malimit nang nakikita ang mga kabataan sa mga computer shops na sa halip na pag-aaral ang ginagawa, paglalaro ang kanilang nakahiligan. Farmville, Tetris at Dota, ilan lamang yan sa mga larong kinaadikan ng mga kabataan sa ngayon. Ngunit saan nga ba nagmula at paano naimbento ang mga ito? Dahil sa kakayahan ng Computer upang gawin ang isang mundo kung saaan maaaring gawing biswal ang imahinasyon ng tao ay nakakalikha ito ng mga iba’t-ibang laro. Isinilang ang Virtual Reality, ang mundong napapasok ng tao ang isang daigdig na puro kathang isip lamang at di naglaon ay pumasok ang ideya na maaaring gamitin ito upang makapaglaro at malakbay ang imahinasyon ng tao para gawing libangan.

            Ang computer ang naturing na pinakamagandang nalikha ng tao sapagkat isa itong makapangyarihang aparato na nagpapatakbo sa halos lahat ng bahagi ng mundo upang maging maayos at madali ang lahat. Sa pagusbong ng mga computer games ay nagkaroon ng aligasyon at namayani agad ang mga negatibong epekto nito sa isip ng mga tao. Dahil sa kakayahan ng computer games na mang-akit ng manlalaro, ilang mga kabataan sa kasalukuyan ang nalulong dito. Di na nga maikakaila na ito’y naging libangan nila at tila naging bahagi na ng kanilang gawain sa pangaraw-araw. Ang maling paggamit ng mga kabataan ang nagiging dahilan kung bakit naaadik sila sa mga video at online games. Ito ay nagbubunga ng pagbaba ng kanilang grado at minsan ay pagbagsak sa isa o higit pang asignatura. Bunga ng epektong ito ay ang pagkasira ng tingin ng mga magulang, paaralan at maging ang pamahalaan sa computer games. Dahilan para tumugon ang mga magulang at gumawa ng ilang mahihigpit na hakbang para mpagilan ang kanilang mga anak. Samantalang ang gobyerno naman ay nagpatupad ng isang batas o ordinansa upang malimitihan ng mga kabataan ang paggamit o paglalaro ng mga computer games. Dagdag pa rito, may mga ilang laro na masama ang imahe na naipapakita at kinakailangan ng masugid na patnubay ng mga magulang. Maliban dito, minsan ay sangkot din ang pera sa mga laro sapat na dahilan para dumanas ng problemang pinansyal. Nauubos ang kanilang pera sa paglalaro ng computer. Maging ang kanilang kalusugan ay naapektuhan na dahil sa pagkakataong nalilipasan na ang iba para lamang makapaglaro ng mga computer games. Ang paglalaro ng computer games ay hindi nakakasama basta alam natin ang limitasyon nito. Sa kabilang banda, ang paglalaro nito ay may kagandan ding maidudulot tulad ng matuto silang makipagkapwa tao at ang pag-unawa sa bawat panuto ng laro.

             Sa bawat problema ay laging mayroong solusyon at ang solusyon sa problemang ito ay dapat laging nariyan ang mga magulang ng mga bata upang gabayan ang kanilang mga anak. Karapat dapat sila ang magsisilbing ilaw ng kanilang mga anak upang makaiwas sa masasamang bisyo na dulot ng computer games. Dapat din na pagbawalan ang mga estudyante na maglaro sa mga computer shops sa oras ng klase at dapat na maimulat ang mga kabataan sa ibang bagay tulad ng paglalaro ng isports at tulong sa kanilang komunidad. Makakatulong ang mga ito sa pag-unlad ng kanilang katauhan.

Divider, animated


BALITA SA TELEBISYON: DAGDAG PROBLEMA 
                                          O BAWAS ALALA?

            Balita, ang salitang nagbibigay-alam sa atin ng mga importanteng pangyayari saan mang sulok ng mundo.  Ang balita ay katulad ng isang kwentong talambuhay na naglalarawan sa ating kalagayan, ito ay maaring maisulat sa mga pahagayan, mapakinggan sa radyo at sa telebisyon. May mga balitang hindi pangkaraniwan. Ito rin ay nailalathala tungkol sa ginagawa ng tao at kung minsa’y pananabikan.

            May kasabihan nga ang mga mamahayag, “Kapag ang tao ay nakagat ng aso, hindi ito balita; ngunit kapag ang aso nakagat ng tao, ito ay balita”, nangangahulugan na ang balita ay isang pangyayaring hindi pangkaraniwan. Ito ay maaaring tungkol sa mga pangyayaring naganap o nagaganap na bago sa pandinig ng madla. Mahalaga nga ang balita sa atin sapagkat ito ang nagbibigay ng mahahalagang pangyayari na dapat nating malaman at pati na rin ang mga isyung dapat bigyang-pansin. Kapansin-pansin nga na tila puro entertainment programs o mga programang nakakaaliw ang napapanood sa TV. Marahil sa kagustuhan ng istasyon na mapataas ang kanilang ratings at dahil sa pagtangkilik ng mga manonood sa ganitong klaseng palabas kung kaya’t napaparami ang nasabing programa kaysa sa balita. Pero hindi naman siguro dapat mawalan nang pakikialam at pakikilahok natin sa lipunan. Hanggat maari ay dapat una tayo sa balita o updated tayo sa mga kaganapan sa bansa dahil bahagi tayo nito. Kahit sabihin pa natin na may internet at newspaper, iba pa rin ang panonood ng balita sa TV. Ang news program sa ngayon ay kadalasang napapanood sa gabi na pinaniniwalaang sa mga sandaling iyon ay wala ng ginagawa ang mga tao parikular na ang mga matatanda na galing sa trabaho. Ngunit kadalasan mas pinipili ng iba ang mga entertainment programs dahil sa kagustuhan nilang magpahinga ng walang problemang iniisip. Isa pang dahilan ay kung manonood pa sila ng balita ay lalo lamang silang mababahala. May balitang mabuti at masama, Good news at Bad news, ika nga. Kung kaya’t balanse ang paghahatid ng balita para sa atin.

            Mabuting magkaroon ng mga entertainment shows pero hindi sa puntong maisasantabi ang mga balita. May mga pagkakataong hindi nauulat lahat ng mga importanteng impormasyon sa kadahilanang hindi  sapat ang oras para ipagpatuloy pa ang programang balitaan. At para rin mabigyan ng kaaliwan ang mga taong pagod at lalong lalo na ang mga bata. Dapat tayong makialam at magkaroon ng malasakit sa ating paligid dahil hindi natin masasabi na magaan nating makakayanan ang mga bagay-bagay kung kaya’t marapat nating bigyang importansya ang balita saan mang panig ng bansa.


Divider, animated

SEX EDUCATION: KALIWANAGAN SA MGA
                                      BATANG WALANG MUANG

                Masyado pang maaga para mabuntis si Nene. Si Angelito, ang batang ama. Mga nakababahalang pangyayari sa buhay ng mga kabataan sa panahon ngayon. Aminin na natin na sa kasalukuyan, marami ng kasong unwanted pregnancies sa bansa. Maaaring isang dahilan ay kawalan ng pokus sa usaping sex education. Kaya nama’y lubos na iminumungkahi ang pagpapatupad nito sa mga paaralan ng ating bansa. “Kailan ba dapat ituro ang sex education?”. 

                Ayon sa pag-aaral ng mga psychologist ng bansa mas maganda raw na maaga pa lang ay malaman na ng kabataan ang tungkol sa sex. Sa pagsusuri, lahat naman ng kabataan ay nakararanas ng kuryusidad sa kanilang pangangatawan at sa mga pagbabago sa kanilang mga sarili. Malawak ang usaping ito at bahagi ito ng kantrobersyal na RH Bill. Ang sabi nga ng mga konserbatibong groupo ay napaka-aga para malaman ang tungkol sa sex kung ipapatupad ito bilang isa sa mga pag-aaralan ng mga estudyante ng elementarya. Ako’y lubos na sumasang-ayon dito, may tamang panahon para ituro sa kanila, maaaring hindi pa nila naiintindihan ang mga napapaloob sa talakayang ito. Pag-tungtong sa hayskul, siguro ay ang swak na oras para simulan ang pagtuturo ng sex eduation. Kasi posibleng hindi maganda ang maidudulot nito sa mga mag-aaral ng elementarya at maging dahilan pa para sila’y maging bastos sa pananalita at kilos. Patunay na dahil sa bagong teknolohiya isang kumpas mo lang sa internet at nasa porn site ka na, at doon direkta nilang makikita ang sex na aktwal na ginagawa. Hindi na bobo at mangmang ang mga kabataan ngayon, mas mulat na ang mga kabataan ngayon kesa noon. Kaya naman marami ang hindi lubos na naiintindihan kung ano ang dahilan kung bakit ito inilulunsad ng pamahalaan. Ito’y para imulat at maagang magising ang kabataan sa sekswalidad.

                Nais lamang bigyan ng kaliwanagan ang mga batang walang muang na maintindihan ang ganitong klaseng usapin. Ngunit kung ating iisipin, masyadong maaga para maimulat sila sa pag-aaral ng tungkol sa sex. Marami sa mga kabataan ngayon ang bukas na ang isipan sa mga bagay na ito. Kinakailangan nila ng wastong gabay sa at sa pagiging responsableng mamamayan. 

Divider, animated

 DIWA NG TAGUMPAY SA BUHAY

            “Lilipad ako para magtagumpay ,ano mang pagsubok sa buhay ay hindi iindahin makaraos lamang.” Marami ang nag-aasam ng tagumpay at pag-asa sa buhay kung kaya’t marami ang nakikipagsapalaran makuha lang ang minimithing kaginhawan. Sino nga ba ang may ayaw na yumaman?

            Masasabi ng ilan sa atin na ang perpektong buhay ay ang pa gkakaroon ng malaking bahay, mamahaling sasakyan, pagkakaroon ng sariling negosyo at napapanahong kagamitan tulad ng Ipod, cellphone at laptop. Para sa ilan, masasabing ito’y ganap ng tagumpay ngunit para sa isang OFW ang maipagkaloob lamang ang sapat na pangangailangan ng kanilang pamilya ay nakapagdudulot na ng lubos na kaligayahan at tunay na tagumpay.Hindi madali ang pag-alis lalo na’t hindi mo alam kung ano ang nag-iintay sa iyo sa lugar na iyong pupuntahan. At ang tanging hiling ay lumipas ng mabilis ang mga araw ng makabalik sa pamilyang nasasabik.Higit kanino man, pamilya ang pangunahing dahilan kung bakit maraming tao ang lumalayo para mangibang bansa. Nakikipaglaban sa anumang banta ng kadiliman at sumusulong sa agos ng buhay na walang kasiguraduhan. Kung saan ay pikit matang iniiwan ang pamilya upang makipagsapalaran sa layuning matustusan ang kakulangan at pangangailangan. Lakas ng loob ang bitbit sapag-asang kahit paano’y umahon ang buhay.Bawat sakripisyo ay ala’y sa mga minamahal na nagiging inspirasyon para ipagpatuloy ang pakikibaka sa buhay. Lahat ng pangungulila ay hindi iindahin kapalit nito’y iilang kusing na pagkakasyahin. Ang makitang masaya at sama-sama ang pamilya ay sapat nang maituturing na tagumpay sa bawat manggagawa sa ibang bansa.

            Tagumpay nang maituturing ang pagsasama-sama ng buong pamilya at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga minamahal sa buhay ng isang OFW. Bawat hirap at pagod ay matitiis maipagkaloob lamang ang mga bagay na ikaliligaya ng pamilya. Dahil sila mismo ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ano ang magiging kabuluhan ng ating mga makakamit kung ang magiging kapalit ay angpagkasira o pagkawasak ng pamilya. Hindi humahanga sa salapi o anumang materyal na bagaya ng pangangailangan ng pamilya kundi higit sa lahat ay ang tamang paggabay o pagsubaybay naayon sa utos at kalooban ng Diyos. Katatagan ng Loob, determinasyon at higit sa lahat pananalig sa Diyos Ama ang dapat na pairalin upang magkaroon ng inaasam na tagumpay sa buhay.

Divider, animated

HUWAG KANG PAPATAY!

                Uhaaa. Uhaaa. ang iyak ng sanggol ay ang pinakamagandang musika sa pandinig ng isang ina. Ang sanggol ang siyang kumukumpleto sa pagiging babae ng isang tao. Pero wari’y may mga ilan pa rin ang hindi matanggap ang sinapit. Ikaw, Magagawa mo bang sumaway sa utos ng Diyos?  "Thou shalt not kill" ang kanyang ikapitong utos. Alam mong masama ang kumitil ng buhay. Isang pagkakamaling di kailanman ay naging maaari. Konsensya ang katapat sa ganitong paglabag. Labag ito sa mata ng Dyos at sa mata ng tao. Matatawag itong isang krimen.

                Sa kasalukuyan, kinakaharap ng ating bansa ang lumalaking bilang ng populasyon ng mga Pilipino.  Hindi sagot ang pagpapaagas o aborsyon  sa usaping ito. Hindi dapat ginagawang legal ang mga bagay na labag sa utos ng ating Panginoon. Hindi! Kasi isang napakalaking kasalanan ang pumatay lalung-lalo na sa mga enosenteng bata na walang kamuwang-muwang at papaano na lamang ang mga batang isisilang na walang makain galing sa pamilyang isang kahig isang tuka ika nga. Dapat ‘di sang-ayunan ang sinuman na gawin ang gantong klaseng bagay. Illegal na maituturing ang aborsyon. Mabuti pa sa mga taong nangangahas at nasisikmura na gumawa nito ay itigil na lamang at ipagpatuloy nalang nila ang pagbubuntis nila malay natin ang nasa sinapupunan pala o ang batang ipinagbubuntis pala nila ay maging presidente o bayani balang araw. Ngunit masaklap isipin na sa lipunang ating kinabibilangan, isang malaking kahihiyan hindi lamang sa ina kundi sa kanyang buong pamilya ang magdalang-tao ng wala pa sa wastong gulang. Isang makasalanang babae ang tingin sa babaeng nabuntis at kahihiyan ang kanyang sasapitin. Anu’t ano pa man ang mga kadahilanan, marapat sana nating lahat na alalahanin ang mga turo ng simbahan at paaralan. Kung ang desisyong pagaaborsyon ay ginagawa para lamang sa sariling kagustuhan o upang matakpan ang dungis ng kahihiyang idudulot nito, hindi ito sapat upang may isang batang magbuwis ng buhay at magparaya.

                Muli, Tama lang na ipagbawal maging legal ang aborsyon o pagpapalaglag, sapagkat responsbilidad na dapat ng mga magulang ang buhayin at palakihin ng maayos ang bata. Ang sanggol na nabuo sa sinapupunan ng isang babae, ito man ay dulot ng pagiging mapusok o ng makamundong kasalanan ay inosente at walang kalaban-laban. Hindi naman isang laro lamang ang ginawa nila, manindigan at lakasan ang loob dahil pumasok sila sa sitwasyong hinding-hindi dapat pagsisihan dahil io’y maituuring na biyaya ng Diyos.

Divider, animated

PATAY KANG BATA KA!


            Masamaang manigarilyo. Alam mo nang masama pero gingawa mo pa! Oo! Mahirap nang iwasan pero ikaw rin sa bandang huli ang mahihirapan. Sadyang nakakabahalang isipin na pabata ng pabata ang mga naninigarilyo sa kasalukuyan. Na hindi lubos maunawaan ang panganib na hatid ng sigarilyo sa kalusugan ng tao.

Tila, dumarami na ang bilang ng mga taong naninigarilyo sa mundong ito. Maging ang mga menor de edad ay nalululong na rin ng gantong klase ng bisyo.Napatunayan ng mga dalubhasa sa medisina na ang bisyong paninigarilyo ay nagiging sanhi ng maraming sakit tulad na lamang ng kanser. Kung kaya’t, ang mga opisyales ng bawat lungsod ay nagpapatupad ng mga ordinansa na nagbabawal sa paninigarilyo sa pampublikong lugar. Ang kanilang layunin na mailayo ang mga tao sapagkakalanghap ng mga usok galing sa mgananinigarilyo. Ngunit may ilan pa rin ang matigas ang ulo at sumusuway sa kautusan. Dahil dito marami ang nadadamay, nahihirapan at namamatay. Khit hindi direktang nalalanghap ang usok ng ilang mga taong dumadaan ay mainam na umiwas nalang sa bisyong kinasasangkutan.Mapapansin na negatibo ang dulot nito sa atin. Ang paninigarilyo ay mapanganib sapagkat ang usok nito ay nakakapinsala hindi lamang sa taong gumagawa nito kung hindi na rin sa taong nakapaligid sa naninigarilyo mismo.Pero mahirap nang puksain ang gantong klase ng bisyo, marami na ang adik sa paninigarilyo. Kaya ang paalala ko lang, limitahan ang sarili sa pagsinghot ng sigarilyo dahil lahat ng sobra ay masama at hindi lang ikaw ang magdudusa pati ang iyong kapamilya. Dapat ding magsilbing magandang huwaran ang mga magulang sa kanilang mga anak para di lumihis sa landas o mapariwara ang kanilang buhay.

Gabay ng magulang at nakatatanda angkailangan ng mga kabataan. Hindi pa huli ang lahat sa pagbabago. Kung kaya’t mga katoto, alagaan mo ang iyong kalusugan sapagkat iyan ang kayamanang dapat mong pag-ingatan higit sa anupaman. Kung di mo kayang pigilan, magtiis ka at ‘wag kang aangal sa peligrong iyong sinubakan.Nakakaawang pagmasdan ang sinumang nahihirapan  at sabay sabing “Sayang, sana pala noon ko pa ‘to tinigilan”.

Divider, animated

MALAY MO!

                Ang bawat bagay sa mundo ay may dahilan. At ang bawat dahilan na iyon ay may sapat na rason at ipinaglalaban. Napaisip kung grado ba ang tunay na sukatan sa magaling na pag-aaral para sa magandang kinabukasan. Sa bandang huli nama’y mananaig ang may gustong patunayan. “Malay mo naman nagkataon lang…”

                Tila pagmamaliit naman yata sa mga may gradong dos sarado pataas kung may magsasabing ilipat sa kursong bokasyunal ang mga estudyanteng makakakuha ng nasabing grado. Ngunit kung iisipin natin na hindi porke sa vocational course nagtapos ang isang tao ay hindi na ito gaanong katalino malay mo doon lang niya kayang ipag-aral ang sarili o di kaya’y malay mo ang kursong nais niya ay doon lamang niya natagpuan. Nangangahulugan na hindi pamantayan sa mga mag-aaral na may dos ang grado na ilipat na sa kursong bokasyunal sapagkat malay mo ay iyon lamang ang kaya niyang makuha sa abot ng kanyang makakaya. Kung tutuusin, mataas na rin naman ang katumbas ng markang dos. Hindi man gaanong kataas pero pasa na kumbaga. Hindi rin naman minsan kasalanan ng mga mag-aaral na makakuha sila ng mababang marka, malay mo ang guro ay sadyang mababa lamang magbigay ng grado o di kaya’y malay mo sadyang di nararapat sa mag-aaral. Hindi makatarungan kung ililipat ng basta-basta lamang ang sinumang magkakaroon ng gradong nabanggit sapagkat walang kahit sino ang maaaring sumira ng pangarap ng isang tao at may karapatan silang magdesisyon para sa sarili. Isipin nalang natin na maraming mga kabataan sa ngayon ay di na nakakatungtong sa kolehiyo dahil sa kahirapan kaya maswerte ang ilan kung makakatapos ng pag-aaral anumang natapos na kurso ay sapat na. ‘Wag rin sanang matahin ang mga kabataang nag-aaral na may bokasyunal na kurso dahil marami na rin ang naging nagtagumpay sa buhay na kumuha sa mga kursong handog ng paaralang may bokasyunal.

                Malay mo, kagustuhan niya ang lahat. Malay mo, dos lang ang gradong kaya niya. Malay mo, di niya kasalanan na makakuha ng mababang marka at ‘di naman siya nagkulang at sadyang tadhana na ang sarili sa kursong bokasyunal, malay mo! 


Divider, animated

WAG PAIRALIN ANG KATAM! 

                Karunungan na nga ang siyang kayamanan na kahit sino’y walang makakaagaw ngunit bakit marami sa mga opisyales ng pamahalaan ngayon ay hindi pinahahalagahan ang edukasyon na wari’y kinukuha ang karapatang malaman ang mga bagay-bagay.

                 Kung inyong mapapansin na tila pera ang sukatan sa magandang pag-aaral. May mga mamahalin at eksklusibong  paaralan para sa mga kabataan na ang sistema ng pag-aaral ay iba sa mga pampublikong eskwelahan. Maraming nagsasabi na nababayaran na ang grado o marka ng isang mag-aaral dahilan sa mga kurakot na mga guro. Hindi sa nilalahat ngunit marami na rin sa mga paaralan sa kasalukuyan ang ginagasta sa mali ang perang ibinabayad na matrikula ng mga mag-aaral partikular na ang pagpapaganda ng pasilidad ng isang eskwelahan. Wala namang masama roon, ngunit isa-alang-alang rin ang tanging magagamit lamang at may kinalaman sa pag-aaral hindi sa mga walang kakwenta-kwentang bagay. Ngunit sa kabilang banda naman ang isyung katamaran, ang siyang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng kalidad ng edukasyon. Marami sa mga kabataan sa ngayon, ang hindi nakakatapos ng pag-aaral nang dahil sa problemang ito. Pati ang mga guro kung minsan ay sinusumpong nito. Guro ang sana’y namamahala, naggagabay at nagbibigay kaalaman sa mga mag-aaral na uhaw sa karunungan. Sila ang sana’y maging huwaran dahil ang bawat salita at kilos nila ay maaaring tularan ng mga estudyante. Ang guro, mag-aaral, magulang at maging ang pamahalaan ay may obligasyon na dapat gawin  para sa ikasasaayos ng pag-aaral. Ang guro ay kinakailangang pumasok palagi sa tamang oras, magkaroon ng maayos at angkop na proyekto, igalang ang opinyon ng lahat ng kasapi ng komunidad ng edukasyon , atbp. Ang mag-aaral naman ay obligadong sumunod sa mga patakaran unawain ang mga tinuturong leksyon o pangaral ng guro, makilahok sa mga gawaing may kinalaman sa pagsasanay at kung anu-ano pa.  ‘Yan ang tunay na mag-aaral na kailangang malaman. Ang magulang ay dapat ang siyang unang gagabay sa kanilang anak at ang siyang makakapili ng maganda at may mataas na kalidad na edukasyon, mabigyan ng impormasyon tungkol sa proseso ng pag-aaral, ipaliwanag maigi ang alituntunin ng paaralan, alamin ang makakabuti sa mga anak upang malaman ang posisyon sa klase, suportahan ng moral at pinansyal sa tamang pagnanais. Samantala, kinakailangan ng pamahalaan na maglaan ng pondo para sa edukasyon at magtayo ng mga paaralan kung saan libre ang edukasyon sa mga kabataang hikahos at walang pera para makapag-aral.

                Edukasyon na nga ang susi sa tagumpay at ang paraan sa pag-ahon mula sa kahirapan. Sana’y mas paigtingin pa ng bawat paaralan ang tunay na silbi ng edukasyon at mas paliwigin ang pagbibigay-kaalaman sa mga kabataan. Kailangang malaman ng bawat kabataan sa ngayon ang kahulugan ng tunay na pag-aaral at huwag mawalan ng pag-asang balang araw ay matupad ang kanilang mga pangarap.

Divider, animated

WAG OVER!

Balitang balita, Junk foods at softdrinks, hindi na ibebentsa sa merkado! Oh! Ano, payag ka ba?! Malamang sa malamang, hindi! Ang hirap alisin ang nakasanayan at ika nga “Masarap ang bawal!” Ngunit kailangan daw ipagbawal dahil sa hatid nitong disgrasya at masamang epekto dahil ang tanging iniisip ay ang iyong kapakanan partikular na ang iyong kalusugan.

Aminin natin na ang junk foods at softdrinks ay masama para sa ating kalusugan sapagkat may mga sangkap ito na may dalang panganib sa atin. Sabi ng ilan na pantawid gutom at uhaw lang daw ang pagkain o pag-inom nito kung kaya’t patuloy pa rin ang pagtangkilik sa produktong ito. Sa ‘di mapaliwanag na dahilan, ang junk foods at softdrinks ay tila isa sa mga pagkaing hanap-hanap ng ating sikmura. “Ang lahat ng sobra, masama!”, ika nga, bagaman hindi ito ipinagbabawal kainin sa madla ay dapat matuto pa rin ang bawat isa na idisiplina ang sarili sa lahat ng bagay o pagkaing nagtataglay ng kahit papaano ay may masamang dulot sa atin. Tila naging kwestyunable ang paglikha nito kung magiging delikado man din. Isipin na lang na tunay na bumebenta ito sa lasa ng tao at patuloy na ipinaparami.  Ngunit malaki ang epekto ng pagkain ng junk foods sa mga kabataan lalong lalo na ang mga nag-aaral dahil napag-alaman na bunsod ng mga ganitong klase ng pagkain ay bumababa ang IQ ng isang tao. Dagdag pa rito ay may ilang taong may sakit ang pinapaiwas sa junk foods at softdrinks dahil sa angking bangis na kemikal mayroon ito at lubusang ipinagbabawal ng doktor upang ‘di na maging malubha. Kung sana’y binili na lamang ang pera sa mga masusustansyang pagkain kaysa sa mga pagkaing ‘di sigurado ang timpla at panganib na dala.

‘Di maikakaila na dulot sa kasamaang taglay ng junk foods at softdrinks ay lagi pa ring  sinusuportahan ito ng taong bayan. Lingid sa kaalaman ang posibleng katakot-takot na maaaring mangyayari sa atin kung sosobra ang pagkain o pag-inom nito. Lagi lamang tatandaan na mahirap nang mamuhay sa mundong ibabaw. Mahirap na kung magkakasakit. Kaya matutong pakahalagahan ang buhay na ibinigay ng Panginoon sa atin.



Ni Edcel Borlagdatan
  
O bayan, bayan kong namulatan,
Sa’yo ako’y nananalig at lumalaban,
Anumang pagsubok ang pagdaanan,
Patuloy pa ring mamahalin magpakailanman.

Angkin mong likas na yaman,
Ay lubos na matatanggap at iingatan,
Handog ko’y dugo, dunong at dangal,
Sa hirap, sakit at sagabal.

Sa lupang aking ginagalawan,
Ay mundong ang ikot-singbilis ng orasan,
Problema ng lipunan ang pagdadaanan,
At labis na dungis ang kakahinatnan.

Kalunos-lunos ang sasapitin,
Kung patuloy na tatangkilikin ang hindi sa atin,
Maglingkod sa uhaw na bayang sinisinta,
At sagipin sa mapanganib na banta.

O bayan, bayan kong iniibig,
Ika’y bukod tangi at wala nang dadaig,
Buong puso ang iaalay upang bigyang pag-asa,
Nang makamit ang maayos at mapayapang bansa.

Iba’t-iba man ang pinagmulan,
Bayang kinalakihan ay mahalin at pangalagaan,
Upang ginhawa ang siyang makamtan,
Abot langit ang sayang mararamdaman.